“Anong ginawa ko?” Iyan ang tanong ko sa aking sarili. Isa sana ito sa pinakamasayang kabanata ng aking buhay. Pero ito rin pala ang magiging pinakamalungkot. Nakakuha ako ng isang magandang trabahong malayo sa aming tahanan matapos kong mag-aral sa kolehiyo.
May sarili akong tirahan, pero hindi ako pamilyar sa bagong lugar, at wala akong kakilala rito. Napalitan ng takot at pangamba ang pagkasabik ko sa bagong yugtong ito. Matinding kalungkutan ang naramdaman ko sa kabila ng pagkakaroon ng magandang trabaho.
Isang gabi pagkagaling ko sa trabaho, binuksan ko ang aking Biblia at nabasa ko ang Awit 16. Sinasabi sa talatang 11 na ang tulong ng Dios ay nagdudulot ng walang hanggang ligaya. Nanalangin ako sa Dios. “Panginoon, akala ko na ang trabahong ito ay mabuti para sa akin. Pero bakit napakalungkot ko? Tulungan at samahan Mo akong palagi.” Ito ang palaging idinadalangin ko sa Dios. May mga panahong napapawi ang kalungkutan ko dahil nadarama ko ang paggabay ng Dios. May pagkakataon din naman na nararamdaman ko pa rin na mag-isa lang ako.
Pero sa tuwing muli kong binabalikan ang mga talatang iyon ay tumitibay ang pagtitiwala ko sa Dios. Nadama ko ang katapatan Niya na hindi ko pa nararanasan noon. Dapat kong ipagkatiwala sa Dios ang aking puso at isip at matiyagang hintayin ang Kanyang tugon. Palagi Niya tayong gagabayan at tutulungan.