Isang matandang palaboy sa aming lugar si David. Madalas siyang tumugtog ng biyolin sa daan upang ipakita ang pambihira niyang talento. Nagbibigay ang mga tao ng kanilang limos kay David kapalit ng kanyang pagtugtog. Ngumingiti si David sa kanila bilang pasasalamat at patuloy pa rin siya sa pagtugtog ng kanyang biyolin.

Nang pumanaw si David ay nailathala sa dyaryo ang tungkol sa kanyang buhay. Nakasaad dito na siya ay bihasa sa pagsasalita sa iba’t ibang wika, nakapagtapos ng pag-aaral mula sa isang kilalang unibersidad, at minsan na rin siyang tumakbo sa pagkasenador noon. Marami ang nagulat sa mga nakamit ni David. Nahusgahan kasi siya agad dahil sa kanyang hitsura.

Sinasabi sa Biblia na “Nilikha tayo ng Dios sa Kanyang imahe (GENESIS 1:27). Mahalaga tayo sa Dios kahit ano pa man ang ating hitsura, naabot sa buhay, o ano man ang iniisip ng iba sa atin. Marami man tayong nagawang kasalanan sa harap ng Dios ay pinili pa rin Niyang ipagkaloob ang nag-iisa Niyang anak para ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal Niya sa atin. Pinagkalooban Niya tayo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan kasama Niya.

Mahal tayo ng Dios at bawat isa sa atin ay mahalaga sa Kanya. Nawa ay maipakita at maipadama din naman natin sa iba ang pagmamahal sa atin ng Dios.