Nakita ko ang isang bata habang masaya siyang sumasayaw sa tugtog ng papuri sa Dios. Siya lang ang nag-iisang bata sa hanay ng upuan na iyon pero hindi siya napigilang umindak sa saliw ng tugtugin. Pinagmamasdan siya ng kanyang nanay at natutuwa ito sa kanya.
Masaya ako nang makita ko siyang sumasayaw. Nais ko siyang samahan pero pinigilan ko ang aking sarili. Sa edad kong ito ay nakalimutan ko na ang masasayang araw ng aking kabataan. Pero kahit pa tayo ay tumanda na at makalimutan na ang nakasanayan noong bata pa tayo, hindi natin dapat makalimutan ang kasiyahan na makilala ang Dios.
Nang si Jesus ay nanirahan sa mundo, hinayaan Niyang lumapit sa Kanya ang mga bata. Tinukoy din ni Jesus ang mga ito sa Kanyang turo (MATEO 11:25; 18:3; 21:16). Sa isang pagkakataon ay pinagsabihan ni Jesus ang Kanyang mga alagad dahil pinipigilan ng mga ito ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa Kanya. Sinabi ni Jesus, “Hayaan n’yong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag n’yo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios” (MARCOS 10:14). Tinutukoy ni Jesus dito ang mga katangian ng mga bata gaya ng kagalakan, pagiging simple, pagtitiwala sa Dios, at kababaang-loob.
Ang pagkakaroon ng mga katangian tulad ng isang bata ay makatutulong sa atin upang mas lumapit sa Panginoon. Hinihintay Niya tayo na lumapit sa Kanya.