May nakasanayan na kaming gawin ng apo kong si Allysa sa tuwing magpapaalam kami sa isa’t isa. Mahigpit kaming nagyayakapan at sabay na iiyak sandali. Pero pagkatapos noon ay sasabihin namin sa isa’t isa na “Magkikita tayo muli.” Dahil dito, pareho kaming umaasa na magkikita kaming muli.
Isang malungkot na pangyayari ang mapawalay sa ating mga minamahal. Nang magpaalam si Apostol Pablo sa mga taga-Efeso ay “Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo... Ang nagpatindi ng kanilang kalungkutan ay nang sabihin niya [Pablo] na hindi na sila magkikitang muli” (GAWA 20:37-38).
Nakakadama tayo ng matinding kalungkutan sa tuwing magpapaalam tayo sa huling pagkakatataon sa ating mga minamahal. Hindi natin maipaliwanag ang lungkot na dulot nito. Nagluluksa at umiiyak tayo. Paano natin matatanggap ang katotohanan na hindi na natin sila muling makikita at makakasama?
Pero hindi tayo malulungkot at magluluksa na tulad ng mga taong walang pag-asa. Sinabi ni Pablo ang katotohanang muli nating makakasama ang mga mahal natin sa buhay na “naniwala na namatay si Jesus at muling nabuhay muli" (1 TES . 4:13-18). Sinabi ni Pablo, “Ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel,” at ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo at tayong mga buhay pa sa araw na iyon ay magkakasamang sasalubungin ang Panginoon. Isa itong magandang pagsasamasama. Makakapiling natin ang Dios magpakailanman. Iyon ang ating walang hanggang pag-asa.