Isang ulat tungkol sa mga magagandang aral na mapupulot sa mga matatanda ang nailathala ng isang pahayagan sa Singapore noong 2010. Nakasulat dito na, “Bagama’t ang pagtanda ay nagbibigay ng pagsubok sa ating isip at katawan, nagdudulot din naman ito ng dagdag na kaalaman sa maraming bagay. Maraming karunungan ang matututunan natin mula sa matatanda. Sinasabi ng mga eksperto na ito ay tinatawag na karunungang kalakip ng pagtanda.”
Tunay na maraming aral ang maibabahagi sa atin ng mga nakatatanda. Pero sa Biblia ay may isang bagong hirang na hari na hindi kinilala ang payo ng mga matatanda sa kanilang bayan.
Mababasa sa 1 Hari 12:3 na noong mamatay si Haring Solomon ay lumapit ang mga Israelita kay Rehoboam para gawin siyang bagong hari. Nakiusap sila kay Rehoboam na huwag silang pahirapan sa kanilang mga trabaho at babaan ang kanilang buwis tulad ng ginawa ng kanyang amang si Solomon. Nangako ang mga tao na magiging tapat sila kay Rehoboam kapalit ng pagtupad sa kanilang pakiusap.
Sa simula ay nakinig si Rehoboam sa payo ng mga nakakatanda (TAL . 6). Pero hindi nagtagal ay sinuway niya ang mga ito. Nakinig siya sa maling payo ng kanyang mga kaibigan (TAL . 8). Mas lalo niyang pinahirapan ang kanyang mga kababayan. Nasira ang kanyang kaharian dahil sa kanyang kasamaan.
Nararapat na humingi tayo ng payo sa mga taong matibay ang pagkakakilala sa Dios. Marami silang dalang karunungan sa kanilang pagtanda. Makinig tayo sa kanilang mabubuting payo sa atin.