Sinasanay na namin ang pangalawa naming anak na si Britta na matuto nang matulog mag-isa. Sinasabi ko sa kanya na kapag pumunta siya sa aming kuwarto ay muli namin siyang ibabalik sa kanyang kama. Gabigabi ay nakikita ko siyang nagigising at naglalakad nang mag-isa. Dahil dito ay muli namin siyang pinapatulog sa kanyang kama. Makalipas ang ilang taon ay nalaman ko na ayaw pala ng kanyang nakatatandang kapatid na may makasamang matulog sa kwarto. Sinasabi ng kanyang ate na tinatawag ko si Britta kaya bumabangon si Britta para hanapin ako.
Madalas na may hindi magandang bunga ang pakikinig sa mga maling payo. Nang magpadala ang Dios ng Kanyang propeta sa Bethel para mamagitan sa mga tao ay may mahigpit Siyang bilin dito. Sinabi ng Dios na huwag kakain o iinom ang propetang ito habang siya ay nasa Bethel. Sinabi rin ng Dios na dapat niyang tahakin ang parehong daan sa kanyang pag-uwi (1 HARI 13:9).
Hindi kumain ang propeta nang siya ay yayain ni Haring Jeroboam sa isang salu-salo. Sumunod siya sa Dios. Pero nang yayain naman siya ng isang matandang propeta para kumain ay sumunod siya dito. Kumain siya dahil niloko siya ng matandang propeta. Sinabi kasi ng matandang propeta na kinausap siya ng isang anghel at pinapayagan siya ng Dios na kumain. Nalungkot ang Dios dahil hindi Siya sinunod ng propeta na Kanyang isinugo.
Tayo naman ay nararapat na magtiwala at sumunod sa Dios. Pakinggan natin ang Kanyang salita na ating gabay sa pagsunod sa Kanya.