Madalas akong mag-alala at mag-isip ng mga hindi magagandang bagay na maaaring mangyari sa buhay ko. Iniisip ko agad na hindi ko magagwa o hindi magiging maganda ang kalalabasan ng mga bagay na ginagawa ko. Hindi rin ako isang perpektong nanay na nagagawa nang maayos ang lahat ng bagay. Dahil sa ugali kong ito ay madalas akong malumbay at malungkot.
Naihalintulad ko ang nadarama ko sa naranasan ng propetang si Habakkuk. May karapatan si Habakkuk na malungkot at malumbay dahil sa mga naranasan niya sa paglilingkod sa kanyang kababayan. Wala siyang maayos na makuhanan ng pagkain at matulugan. Maaari siyang magalit at talikuran na lamang ang paglilingkod sa Dios. Pero hindi niya iyon ginawa. Sinabi pa rin ni Habakkuk na, “Gayunma’y magagalak ako sa Panginoon” (HABAKKUK 3:18).
Sa kabila ng mahirap na dinanas sa kanyang buhay ay may dahilan pa rin si Habakkuk na patuloy na magpuri at magpasalamat sa Dios dahil sa Kanyang katapatan.
Madali para sa atin ang mag-alala at malungkot dahil sa ating mga problema. Pero higit pa rito ang naranasan ni Habakkuk. Kung nagawa ni Habakkuk na patuloy na magpuri sa Dios ay tiyak na makakaya rin natin na gawin ito. Sa tuwing tayo ay malulugmok dahil sa ating mga problema, nararapat na palagi nating alalahanin ang Dios. Tayo ay patuloy na magpuri at magpasalamat sa Kanya