Bakit kaya may limang milyong tao bawat taon ang gumagastos para sumali sa takbuhan? Sa paligsahang ito, umaakyat sila ng matataas na pader, gumagapang sa putik, at umaakyat sa mga poste. Sa tingin ng iba ang pagsali nila rito ay isang uri ng hamon para subukan ang kanilang lakas at labanan ang kanilang mga takot. Ang dahilan naman ng iba sa pagsali ay para maglaro nang may pagtutulungan sa bawat isa. Para kay Stephanie Kanowitz, ang pagsali sa ganitong uri ng aktibidad ay isang paraan kung saan kahit hindi magkakakilala ang bawat isa ay nagtutulungan ang lahat para matapos ang takbuhin.
Ipinapaalala naman sa atin ng Biblia na nararapat tayong magtulungan para maisabuhay ang ating pananampalataya kay Jesus. Sinabi sa Hebreo 10:24-25 na “Sikapin nating mahikayat ang isa’t isa sa pagmamahalan at paggawa ng kabutihan. Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.”
Layunin nating matapos ang takbuhin ng ating buhay na may pananampalataya. Nais ng Dios na tayo ay magtulungan sa lahat ng pagkakataon para lumakas ang ating pananalig sa Kanya.
Darating ang araw na magkakaroon ng hangganan ang ating buhay sa mundo. Habang hindi pa tayo humahantong sa panahong iyon, nawa’y patuloy tayong magtulungan at maging handa rin sa pagtulong sa iba. Gawin natin ito para mas tumibay ang ating pananampalataya sa Dios.