Nung bata pa ako ay pinapanood ko ang tatay ko habang nagsasaka siya sa bukid. Una niyang binubungkal ang malalaking bato. Unti-unting nababasag ang mga ito para maging malambot na lupa. Kinakailangan ng tatay ko na ilang ulit magpabalik-balik sa pag-aararo para makakuha ng malambot na lupang pagtataniman.
Ang paglago naman sa buhay espirituwal ay katulad din ng pagtatanim at pag-aararo. Simula nang makilala natin si Jesus ay agad nating nakikita ang ating malalaking kasalanan. Pero habang tumatagal tayo sa pagkakakilala sa Kanya dahil sa Kanyang salita ay mas lalo nating natututunang umiwas sa pagkakasala. Ang mga inaakala nating maliliit na kasalanan lamang tulad ng pagiging mapagmataas, mareklamo, mapanghusga sa kapwa, at pagiging makasarili ay hindi pala maganda sa harap ng Dios.
Ipinapakita ng Dios ang mga maling ugali natin para patawarin tayo. Patuloy Niya tayong binabago para mas maging mabuti sa harap Niya. Kapag muli tayong nagkasala sa Dios, maaari tayong manalangin katulad ni David. “Panginoon, alangalang sa inyong kabutihan, patawarin N’yo ako sa napakarami kong kasalanan” (SALMO 25:11).
Masakit para sa atin na makita at mahayag ang ating mga pagkakamali. Pero isa itong paraan para maranasan natin ang dakilang pagpapatawad ng Dios. “Tinuturuan N’yo ng Inyong pamamaraan ang mga makasalanan. Pinapatnubayan N’yo ang mga mapagkumbaba para gumawa ng tama” (TAL . 8-9).