Hindi mapakali ang isang binata sa kinauupuan niya. Palipat-lipat ang kanyang tingin sa mga bintana ng eroplano. Pumikit siya at huminga nang malalim para kalmahin ang sarili niya pero hindi nawala ang kanyang kaba. Nang lumipad na ang eroplano ay galaw siya nang galaw sa upuan niya. Isang matandang babaeng kalapit niya ang kumausap sa kanya para mapawi ang kanyang takot at kaba. “Anong pangalan mo?” “Saan ka nakatira?”“Huwag kang mag-alala dahil magiging maayos ang biyahe natin.” Iyan ang ilan sa mga sinabi ng babae sa binata.
Maaaring mainis o hindi pansinin ng matandang babae ang binata. Pero pinili niyang tulungan ito. Nagpasalamat ang binata sa kabutihan ng matandang babae nang makalapag na ang eroplano nila.
Hindi na tayo madalas makakita ng ganitong halimbawa ng kabutihan sa kapwa natin. Hindi likas sa atin ang maging mabuti at mabait. Natural para sa atin na unahin ang sarili natin kaysa ang kalagayan ng iba. Pero sinabi ni Apostol Pablo na “Maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa” (EFESO 4:32). Matapos nating makilala si Jesus sa buhay natin ay binago na tayo ng Espiritu Santo. Ang kabutihan sa puso at isip ay patuloy na itinuturo ng Dios sa atin (TAL . 23).
Nais naman ng Dios na magpamalas tayo ng kabutihan sa kapwa natin. Sa maliliit na bagay tulad ng pagsasabi ng magagandang salita at pagtulong sa ano mang paraan ay maipapakita natin na patuloy tayong binabago ng Espiritu.