Natutuwa ang mga nagsasanay sa pagkasundalo noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig sa tuwing makakatanggap sila ng mga liham mula sa kanilang pamilya. Ikinukuwento nila sa kanilang mga sulat ang iba’t iba nilang mga nakakatuwa at malulungkot na mga karanasan.
May isang sundalo naman ang nagsabi na hindi lamang puro nakakatawang pangyayari ang dapat ikuwento sa kanilang pamilya. Sumulat siya sa kanila nang makatanggap siya ng Biblia. Sinabi niya, “Masaya ako sa tuwing nagbabasa ako ng Biblia. Gabigabi ko itong binabasa. Hindi ko akalain na marami pala akong matututunan sa pagbabasa ng Biblia.”
Binanggit sa Biblia na bumalik ang mga Judio sa kanilang bayan matapos silang maging alipin ng Babilonia. Marami silang problemang kinaharap sa kanilang pag-uwi. Ilan sa mga ito ay ang muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem, pagsalungat ng kalabang mga bansa, taggutom, at mga pagkakasala nila sa Dios. Sa kabila ng kanilang mga problema ay lumapit pa rin sila sa Dios at sa Kanyang Salita. Namangha sila sa natunghayan nila sa Salita ng Dios. Napaiyak sila nang basahin ng kanilang mga pinuno ang Biblia (NEHEMIAS 8:9). Nakakuha rin sila ng lakas mula rito. Sinabi ni Nehemias, “Huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo” (TAL . 10).
Hindi natin kailangang makaranas pa ng matitinding mga problema para lang lumapit tayo sa Dios. Malalaman natin ang tungkol sa pag-ibig, pagpapatawad at kabutihan Niya dahil sa Kanyang matibay na Salita. Mamamangha tayo sa maraming katotohanang ipapakita ng Biblia.