Naging yelo ang tubig sa lawa ng Michigan dahil sa sobrang lamig ng panahon. Pumunta ako rito para makita ito. Namangha ako sa aking nakita. Ang tubig na noon ay pinaglalanguyan ko tuwing tag-init ay naging malamig na yelo.
Dahil nagyelo ang tubig na malapit sa pampang ay nagkaroon ako ng pagkakataon na maglakad sa tubig. Buong ingat akong naglakad sa ibabaw ng yelo kahit alam kong makapal ito at kaya akong kayanin nito. Natatakot ako na mabasag ang yelo sa aking paglalakad. Dahil sa karanasan kong ito ay naalala ko si Jesus na tinawag si Pedro para maglakad sa dagat ng Galilea.
Natakot ang mga alagad ni Jesus nang makita nila Siya na naglalakad sa tubig. Pero agad na sumagot si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob” (MATEO 14:26-27). Napawi ang takot ni Pedro nang makita niya si Jesus. Tumayo si Pedro mula sa bangka at naglakad sa tubig. Nang makita ni Pedro ang malaking alon at malakas na hangin ay pinanghinaan siya ng loob. Lumubog siya sa paglalakad niya at tumawag siya kay Jesus. Hindi Siya iniwan ni Jesus. Naroon ang Kanyang kamay para siya ay abutin at tulungan.
Tayo ay pinapaalalahanan ng Dios na palaging tumawag at magtiwala sa Kanya sa oras na tayo ay natatakot at may kailangang gawin na tila imposible. Si Jesus ay palaging nariyan para samahan at tulungan tayo.