Ayon sa pananaliksik, likas sa atin ang mangalap ng mga impormasyong magpapatunay sa ating mga pinaniniwalaan. Habang nakatuon lamang tayo sa ating pinaniniwalaan, ayaw na nating tanggapin ang paniniwala ng iba.
Ganyan din naman ang paniniwala ni Haring Ahab ng bansang Israel. Hinihikayat noon ni Haring Ahab si Haring Jehoshafat ng bansang Juda na makipagdigma sa bansa ng Ramot Gilead. Para makapagdesisyon sila, ipinatawag ni Ahab ang 400 propeta na sang-ayon lamang sa nais niya. Sinabi ng bawat propeta, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!” (2 CRONICA 18:5). Nagtanong si Jehoshafat kung may roon pa bang propetang pinili ang Dios na kanilang mapagtatanungan nang sa gayon, makapagdesisyon sila.
Sinabi naman ni Ahab na si Propeta Micaya ang puwede pa nilang tanungin. Pero sinabi ni Haring Ahab na hindi niya gusto si Propeta Micaya dahil wala itong magandang propesiya tungkol sa kanya kundi puro kasamaan (TAL . 7). Gayon nga ang nangyari, sinabi ni Propeta Micaya na hindi sila mananalo, at “nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel, nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol” (TAL . 16 MBB).
Natutunan ko sa kuwentong ito kung paano ko rin iniiwasan ang mga mabubuting payo dahil ang gusto ko lamang marinig ang mga bagay na sang-ayon sa nais ko. Napahamak naman si Ahab sa pagsunod sa payo ng 400 propeta na ang sinasabi ay mga bagay na sang-ayon lamang sa nais niya (TAL . 34). Nawa’y naisin nating hanapin at sundin kung ano ang katotohanan sa pamamagitan ng mga Biblia, kahit na hindi ito sang-ayon sa ating pinaniniwalaan.