Nang magtiwala ang 18 taong gulang na si Sammy kay Jesus, itinakwil siya ng kanyang pamilya. Taliwas kasi ito sa kanilang pananam-palataya. Pero tinanggap siya ng mga nagtitiwala kay Jesus, pinalakas ang kanyang loob at tinulungan sa mga pangangailangan sa kanyang pagaaral. Nang mailathala sa isang magasin ang tungkol sa kanyang pagtitiwala kay Jesus, lalo pang tumindi ang pagsalungat ng kanyang pamilya.
Gayon pa man, patuloy pa rin siyang dumadalaw sa kanyang pamilya. Kinakausap niya ang kanyang ama kahit pa pinipigilan siya ng kanyang mga kapatid. Nang magkasakit ang kanyang ama, inalagaan at ipinanalangin niya ang paggaling nito. Pinagaling naman ng Dios ang Kanyang ama. Ang ginawa ni Sammy sa kanyang pamilya ang nag-udyok para mabago ang trato nila sa kanya. Ninais din ng ilan na marinig ang tungkol sa Panginoong Jesus.
Maaari tayong dumanas ng mga paghihirap sa oras na magtiwala tayo kay Cristo. Sinabi ni Apostol Pedro, “pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban Niya” (1 PEDRO 2:19). Kaya kung sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay daranas tayo ng hirap, makakayanan natin ito dahil “ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan” (TAL . 21).
Pinahirapan noon si Jesus pero hindi Siya gumanti at nagbanta. Sa halip, ipinagkatiwala Niya ang lahat sa Dios na makatarungan (TAL . 23). Si Jesus ang halimbawang dapat nating tularan sa pagharap sa anumang paghihirap. Sa gayon, magiging matatag tayo.