Minsan, pumunta kami sa isang abandonadong rantso ng mga anak ko. Habang naglilibot ako sa rantso, may nakita akong lumang libingan. Dahil sa matagal na panahong lumipas, hindi na mababakas ang anumang marka o nakasulat sa libingan. Nakakalungkot isipin na ang taong nakalibing doon ay nakalimutan na. Nang makauwi ako, nagsaliksik ako tungkol sa kung sino ang nakalibing doon. Pero, wala akong nakuhang anumang impormasyon.
Maaalala raw sa loob ng 100 taon o higit pa ang mga kilalang tao pero madali namang makalimutan ang mga hindi kilala. Ang alaala tungkol sa mga naunang henerasyon ay tulad ng mga nakasulat sa libingan na nabubura o nawawala na ang bakas sa tagal ng panahon. Pero nagmamarka sa pa- milya ng Dios ang mga ginagawa ng mga nagtitiwala kay Jesus.
Hindi nila makakalimutan kung paano natin minamahal ang Dios at ang ating kapwa. Sinabi naman sa Biblia, “Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala Niya silang mga may takot at kumikilala sa Kanya. Sinabi ng Panginoon, “Magiging Akin sila sa araw ng paghatol Ko. Ituturing Ko silang isang tanging kayamanan” (MALAKIAS 3:16-17).
Sinabi naman ni Apostol Pablo, “nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno” (MGA GAWA 13:36). Tulad ni David, mahalin natin ang Dios at paglingkuran Siya sa ating henerasyon. Hayaan natin ang Dios ang umalala sa atin. Tandaan natin na tayo’y natatanging kayamanan ng Dios.