Isang gabi, tinawagan ako ng aking kaibigan na may kanser. Hindi mapigil ang kanyang pag-iyak dahil sa nararamdaman niyang paghihirap. Naiyak din ako at tahimik siyang ipinanalangin, “Panginoon, ano po ang magagawa ko para sa kanya?”
Tila nadurog ang puso ko sa kanyang pag-iyak. Wala akong magawa para maibsan ang nararamdaman niya. Hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong sabihin para pagaanin ang loob niya. Pero alam ko kung sino ang tunay na makakatulong sa kanya. Paulit-ulit kong sinabi sa kanya, “Si Jesus.”
Tumahan siya sa kanyang pag-iyak at mga paghikbi na lang ang aking naririnig. Pagkatapos, sinabi ng kanyang asawa na tatawag nalang sila ulit dahil nakatulog na ang kaibigan ko. Ibinaba ko ang telepono at nanalangin.
Nagkuwento naman si Marcos na apostol ni Jesus tungkol sa isang taong ninanais tulungan ang mahal niya sa buhay. Dinala kay Jesus ng isang desperadong ama ang anak niyang labis na nahihirapan (MARCOS 9:17). Kahit may pagdududa na mapapagaling ang anak niya, sinabi pa rin ng ama ang pinagdaanan na paghihirap ng kanyang anak (TAL . 20-22). Nagtiwala naman ang ama kay Jesus at hiniling pa nito na dagdagan ang kanyang pananampalataya (TAL . 24). Naranasan ng mag-ama ang kalayaan, pag-asa at kapayapaan nang tumugon at kumilos si Jesus (TAL . 25-27).
Kapag nahihirapan ang mahal natin sa buhay, ninanais natin na matulungan siya at mapalakas ang loob. Pero si Jesus lamang ang tunay na makakatulong sa kanila. Sa tuwing dumadalangin tayo kay Jesus, bibigyan Niya tayo ng kakayahan na magtiwala at umasa lamang sa Kanya.