Sa loob ng sampung taon, inalagaan ni Tita Kathy ang aking lolo. Si Tita Kathy ang nagluluto, naglilinis ng bahay at tumatayong nars para kay lolo.
Ang ginawang paglilingkod ni Tita Kathy kay lolo ay isang magandang halimbawa para sa sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga Tesalonica. Sinabi ni Pablo na siya ay nagpapasalamat sa Dios dahil sa “mabubuti ninyong gawa na bunga ng inyong pananampalataya. Inaalaala rin namin ang pagsisikap na bunga ng pag-ibig ninyo, at ang katatagan na bunga ng matibay ninyong pagasa sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 TESA . 1:3).
Naglingkod si Tita nang may kasamang pananampalataya at pag-ibig. Naniniwala si Tita na itinalaga siya ng Dios para gawin ang paglilingkod na ito. Kaya naman, patuloy niyang inalagaan ang aking lolo. Nagagawa ito ni Tita dahil sa kanyang pagmamahal sa Dios at sa kanyang ama.
Nakayanan din itong lahat ni Tita na puno ng pag-asa. Mahirap kasi para kay Tita na makitang nanghihina ang aking lolo. Kaya naman, isinakripisyo ni Tita ang kanyang oras sa pamilya at mga kaibigan para maalagaan ang kanyang tatay. Nakakayanan niya ito dahil umaasa siya na araw-araw siyang palalakasin ng Dios at ang pag-asang hatid ng langit para kay lolo.
Gayon din naman, lagi mong ikagalak ang iyong paglilingkod na itinalaga ng Dios na dapat mong gawin, para man ito sa iyong mga kapamilya o sa iyong kapwa. Makapagpapahayag kasi ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig ang mga ginagawa mo.