Minsan, may nakilala akong babae. Nalaman ko mula sa aming pag-uusap na pauwi na siya agad, gayong kakarating lang niya noong araw na iyon. Kaya naman, tinanong ko siya kung bakit uuwi siya agad. Sinabi niya, “Dinala ko lang ang anak ko sa lugar kung saan ginagamot ang mga lulong sa droga.”
Ikinuwento ko naman sa kanya ang nangyari sa aking anak na nalulong din sa droga. Sinabi ko pa sa kanya kung paano siya tinulungan ni Jesus na gumaling mula sa bisyong iyon. Habang nakikinig siya sa akin, nakita kong nakangiti siyang lumuluha. Bago kami bumababa ng eroplano, nanalangin kami. Dinalangin namin na pagalingin nawa ng Dios ang kanyang anak. Kaya naman bago umalis ang babae, sinabi niya sa akin, “Hulog ka ng langit!”
Nang gabing iyon, naisip ko ang mga sinabi ni Apostol Pablo “Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong JesuCristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. Pinalalakas Niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap” (2 CORINTO 1:3-4).
Maraming tao ang nakapaligid sa atin ang nangangailangan ng pagpapalakas ng loob at kalinga na tanging Dios lamang ang makapagbibigay. Nais ng Dios na tulungan natin ang mga taong ito nang taos sa puso. Iparamdam natin sa kanila ang pagmamahal na ipinadama sa atin ng Dios. Hayaan natin ang Dios na ipadala Niya tayo sa mga taong nangangailangan ng Kanyang pagkalinga.