Noong nag-aaral pa ako ay tinanong kami ng guro namin kung ano ang kulay ng pintura ng likod na pader ng aming silid-aralan. Kahit isa sa amin ay walang nakasagot sa tanong ng guro namin. Hindi namin napansin kung ano ang kulay nito.

Minsan ay nalilimutan natin o hindi natin napapansin ang ibang mga bagay sa buhay natin. Kadalasan ay nariyan lang ang mga ito malapit sa atin.

Ganito rin ang nadama ko nang muli kong basahin ang kuwento tungkol sa paghuhugas ni Jesus sa paa ng Kanyang mga alagad. Kahanga-hanga ang ginawa ng ating Tagapagligtas at Hari. Nagpakumbaba Siya para hugasan ang paa ng Kanyang mga apostol. Noong panahon ni Jesus ay hindi ginagawang hugasan ng isang tao ang paa ng ibang tao.

Kahit ang mga aliping Judio ay hindi ginagawa ito dahil isa itong napakahamak na gawain. Ang hindi ko napansin noon nang mabasa ko ito ay si Jesus na Dios na nagkatawang-tao ay hinugasan din ang mga paa ni Judas. Kahit alam ni Jesus na ipagkakanulo Siya ni Judas (JUAN 13:11), nagpakumbaba pa rin Siya at hinugasan ang mga paa nito.

Nagpakita ng pag-ibig at kababaan si Jesus dito. Nagpamalas Siya ng wagas na pag-ibig kahit pa sa taong tatalikuran at ipagkakanulo Siya. Tulungan din nawa tayo ng Dios na maging mabuti at magkaroon ng mababang loob para maipakita natin ang pag-ibig ni Jesus sa iba.