Tuwing Mahal na Araw ay ginugunita natin ang sakripisyo ni Jesus sa krus. Ang daan na tinahak ni Jesus patungo sa krus ng kalbaryo ay tinatawag ngayon na Via Dolorosa o landas ng pagdurusa.
Pero ang may-akda ng aklat ng Hebreo ay nagsasabi na ang daan na tinahak ni Jesus ay higit pa sa daan ng pagdurusa. Ang pagdurusang tinahak ni Jesus patungo sa Golgota ay nagbigay sa atin ng bago at buhay na daan” para mas lalo tayong makalapit sa Kanya.
Sa loob ng mahabang panahon, ang mga Judio ay nag-aalay ng mga hayop bilang pagsunod sa utos. Ginagawa nila ito bilang pambayad sa kanilang mga kasalanan. Pero sinabi sa Hebreo na “ang kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating,” dahil “hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila” (TAL. 1, 4).
Ang daang tinahak ni Jesus patungo sa landas ng pagdurusa ay humantong sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Dahil sa dakilang sakripisyo ni Jesus sa krus ng kalbaryo ay napatawad at nahugasan ang ating mga kasalanan. Naging banal tayo sa harap Niya dahil sa kamatayan Niya. Dahil sa pagpapakita ng pag-ibig ni Jesus sa atin ay nakakalapit tayo sa Dios nang walang takot at walang pag-aalinlangan. (TAL 10, 22).