Ilang linggo bago ang araw ng pagkabuhay ay gumawa kami ng koronang tinik. Gabi-gabi ay nagtutusok ang bawat isa sa amin ng maliit na kahoy sa isang foam. Sumisimbulo ang bawat nakatusok na kahoy sa mga maling bagay na nagawa namin na nais naming ihingi ng tawad sa Dios. Ang pagtutusok ng kahoy ay nagpapaalala na kailangan natin ng isang Tagapagligtas sa aming buhay, at kung paanong pinalaya na Niya tayo dahil sa Kanyang kamatayan.
Ang koronang tinik na nakapatong sa ulo ni Jesus ay bahagi ng malupit na ginawa ng mga sundalong Romano bago Siya ipako sa krus. Binihisan din si Jesus ng pulang kapa at pinahawakan ng tungkod para maging setro Niya. Lumuhod sila sa harapan Niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio” (MATEO 27:29). Si Jesus ay hindi lamang isang ordinaryong hari. Siya ay Hari ng mga Hari at ang Kanyang kamatayan ay nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan.
Sa araw na ito ay ipinagpapasalamat at ipinagdiriwang namin ang kapatawaran ng kasalanan at panibagong buhay habang pinapalitan namin ng mga bulaklak ang mga nakatusok na kahoy. Isang tunay na kagalakan ang ating nadarama dahil nalalaman natin na pinatawad na ng Dios ang lahat ng ating pagkakasala. Tayo ngayon ay may kalayaan na para makasama Siya habang buhay.