Inilalarawan ng manunulat ng awit na si Ruben Sotelo ang hirap na dinanas ni Jesus sa krus sa kanyang awiting “Tumingin sa Kanya.” Nais niyang tumingin tayo sa krus at manahimik dahil wala tayong maaaring masambit sa dakilang pag-ibig na ipinakita ni Jesus sa atin. Dahil sa paglalarawan ng Biblia tungkol sa sakripisyo ni Jesus, maaari nating gunitain sa ating mga isip ang hirap na Kanyang dinanas.
Bago bawian ng buhay si Jesus sa krus, ang mga “taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib” (LUCAS 23:48). Ang iba naman sa di-kalayuan ay nakita rin ang lahat ng nangyari (TAL. 49). Lahat sila ay tumingin kay Jesus at nanahimik. Isang tao lamang ang nagsalita. Nasabi ng kapitan ng mga sundalo, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito” (TAL. 47).
Marami nang mga awit at tula ang nalikha na tumutukoy sa dakilang pag-ibig ni Jesus. Noong panahon din naman ni Propeta Jeremias ay sumulat siya tungkol sa hirap na dinanas ng Jerusalem. “Sinabi rin niya sa mga dumaraan, ‘Balewala lang ba ito sa inyo” (PANAGHOY 1:12). Sinasabi ni Jeremias sa mga tao na wala nang mas hihirap pa sa pinagdaanan ng kanilang bayan. Pero may paghihirap pa bang mas hihigit sa pasakit na naranasan ni Jesus?
Palagi ba nating naaalalang tumingin kay Jesus at alalahanin ang Kanyang pag-ibig sa atin? Ngayong araw ng pagkabuhay ay maalala nawa natin ang kabutihan at pag-ibig ni Jesus para sa atin. Tumingin nawa tayo sa Kanya na may mataas na papuri at pasasalamat.