Nagkasakit ang isa kong katrabaho. Kaya naman, nag-aalala sa kanya ang lahat ng nasa opisina. Nang bumalik siya sa trabaho, ipinakita niya sa amin ang dahilan ng kanyang sakit. Mayroon siyang bato sa kidney. Habang nakatingin ako sa maliit na bato na hawak ng aking katrabaho, naalala ko ang aking gallstone.
Hindi maipaliwanag ang tindi ng sakit na dinanas ko noon. Hindi ba nakamamangha na dahil lamang sa isang bagay na maliit ay nasasaktan ang buong katawan? Parang ganito rin ang tinutukoy ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 12:26, “Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din.”
Ginamit ni Pablo ang katawan para ilarawan ang pagiging isa ng lahat ng mga sumasampalataya kay Jesus sa buong mundo. Sinabi rin ni Pablo na tayong mga mananampalataya sa buong mundo ang bumubuo sa katawan ni Jesus (TAL . 24). Gayon pa man, dahil nasa iisang katawan tayo, mararamdaman natin ang sakit kapag may isang nasaktan. Kung dumaranas ang isang mananampalataya ng pagsubok, pighati, problema ay nasasaktan din tayo na parang tayo mismo ang nakakaramdam ng sakit.
Ang sakit na naramdaman ng aking katrabaho ang naging hudyat na kailangang gamutin ang kanyang katawan. Gayon din naman ang katawan ni Cristo, nagiging hudyat ang sakit na nararanasan ng kapwa mananampalataya para mahikayat ang buong bahagi ng katawan ni Cristo na magmalasakit at tumulong. Maaari nating idalangin, palakasin ang loob, o gawin anumang makakatulong upang sila ay gumaling. Ganyan ang pagkilos ng isang katawan, nagtutulungan.