“Saan ka nagmula?” Ito ang madalas nating itanong upang makilala ang isang tao. Pero para sa iba, mahirap itong sagutin. Minsan ay ayaw nating magbigay ng mga detalye.
Sa libro ng Mga Hukom, si Jefta ay maaaring ayaw sagutin ang ganitong klaseng katanungan sa kanya. Ang kanyang mga kapatid ay hinabol siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead dahil sa “hindi malamang” kanyang pinagmulan. “Ikaw ay anak sa ibang babae,” sabi nila (MGA HUKOM 11:2). Sinasabi ng Biblia, “Ang kanyang ina ay nagbebenta ng panandaliang-aliw” (TAL. 1).
Ngunit si Jefta ay isang natural na lider, kapag ang isang tribo ay naghamon ng laban sa Gilead, ang mga taong nagsugo sa kanya na gusto siyang paalisin ay pinababalik din siya agad at gusto siyang maging lider nila (T. 6). Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead?” (T. 7). Matapos nilang mapag-usapan na magiging iba na ang mga bagay simula ngayon, pumayag siyang maging lider nila. Sabi ng Salita ng Dios, “Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefta” (T. 29). Sa pamamagitan ng pananampalataya, nakamtan nila ang tagumpay. Sa Bagong Tipan ay nabanggit ang kanyang pangalan sa listahan ng mga bayani ng pananampalataya (HEBREO 11:32).
Madalas piliin ng Dios ang mga hindi katanggap-tanggap na mga tao para gawin ang Kanyang ninanais. Kaya naman, hindi mahalaga kung saan ka nagmula, paano ka napunta dito o ano ang ginawa mo. Ang mahalaga ay paano ka tutugon sa Dios na may buong pagtitiwala sa Kanya.