Minsan, bumisita ako sa loob ng isang art exhibit, ang The Father & His Two Sons: The Art of Forgiveness. Nakatuon ang art exhibit sa parabula ni Jesus na Alibughang Anak (TINGNAN SA LUCAS 15:11-31). Nakita ko roon ang nakamamanghang ipininta ni Edward Rojas na The Prodigal Son. Ipinapakita ng larawan ang isang alibughang anak na bumalik sa kanyang tahanan, nakasuot ng basahan at naglalakad nang nakayuko. Makikita naman sa kanyang likuran ang mga bagay na nagpahirap sa kanya. Makikita pa roon na naglalakad siya sa isang daan kung saan patakbong lumapit ang ama niya sa kanya. Sa ilalim ng larawan ay nakasulat ang sinabi ni Jesus, “Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan” (TAL. 20).
Ako ay namangha nang aking mapagtanto ang hindi nagmamaliw na pagmamahal ng Dios na nagpabago sa aking buhay. Noong ako ay lumayo sa Kanya, hindi Niya ako tinalikuran. Sa halip, tiningnan, pinagmasdan at hinintay Niya ako. Hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal Niya ngunit hindi ito nagbabago. Madalas ko man itong hindi pansinin, hindi Siya bumitaw.
Makasalanan tayong lahat pero inabot at sinalubong tayo ng Dios katulad ng ama sa kuwento nang kanyang salubungin at yakapin ang naliligaw niyang anak. Ipinaghanda at ipinagdiwang pa niya ang pagbabalik ng kanyang anak (TAL. 23-24).
Nagagalak ang Dios para sa mga taong nanunumbalik sa Kanya ngayon at iyon ay karapat-dapat ipagdiwang!