Napahinto ako saglit habang tinitingnan ko ang mga lumang larawan ng aming kasal. Nakita ko ang isang litrato naming dalawa bilang bagong mag-asawa. Ang katapatan ko sa aking asawa ay maihahalintulad ko sa isang kasabihan - Magtutungo ako sa kahit saang lugar basta’t kasama ko siya.
Pinagtibay ng pagmamahalan at katapatan ang apat na dekada naming pagsasama. Ang katapatang ito ang nagdala sa amin sa masasaya at malulungkot na yugto ng aming buhay. Bawat taon ay muli kong pinatitibay ang aking pangako - Ako ay sasama sa aking asawa saan man kami dalhin ng panahon.
Sa Biblia naman ay mababasa na ipinakita ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa Israel sa kabila ng pagiging masuwayin nito. “Natatandaan Ko ang iyong katapatan noong bata ka pa, ang iyong pagmamahal nang tayo’y ikasal; Sinundan mo Ako sa gitna ng disyerto.” (JEREMIAS 2:2 MBB). Ang salitang katapatan sa wikang Hebreo ay nangangahulugang pinakamataas na pagtitiwala sa isang bagay. Nagpakita ang Israel ng katapatan sa Dios sa simula, pero ito ay unti-unting nawala.
Ang isang samahan, katulad ng sa mag-asawa ay matatag sa simula. Pero may mga bagay na magdudulot upang mawalan tayo ng pagtitiwala. Nararapat na panatilihin nating matatag ang ating mga samahan. Paano naman ang pakikitungo natin sa Panginoon? Nananatili ba tayong tapat sa Kanya tulad nang una natin Siyang makilala?
Nais ng Dios na magbalik tayong mga anak Niya sa Kanya (3:14-15). Muli nating sariwain ang pangako natin na susunod tayo sa Dios sa lahat ng pagkakataon.