Noong tatlong buwang taong gulang pa lamang ang kulay kayumanggi kong tuta ay dinala ko siya sa isang beterinaryo upang masuri at mabakunahan. Habang sinusuri ng doktor ang aming tuta ay napansin niya ang mga puting balahibo sa kaliwang kamay ng aming alaga. Ngumiti ang beterinaryo at sinabi sa aming tuta na, “Diyan ka siguro hinawakan ng Dios nang isawsaw ka Niya sa tsokolate.”
Hindi ko mapigilang matawa sa sinabi ng beterinaryo. Pero ang sinabi niyang iyon ay sumasalamin sa kung paanong nilikha at tinangi ng Panginoon ang bawat isa Niyang likha.
Sinabi ni Jesus sa Mateo 10:30 na “Maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat” Napakamakapangyarihan ng Dios dahil nalalaman Niya ang lahat ng detalye ng ating sarili at buhay. Walang maliit o malaking bagay ang hindi Niya nalalaman at binibigyang-pansin. Pinahahalagahan ng Dios ang lahat ng bagay.
Hindi lamang tayo nilikha ng Dios. Ginagabayan at tinutulungan Niya rin tayo sa lahat ng oras. Nalalaman Niya ang lahat ng bagay. Tunay na isang kagalakan na malaman na mayroon tayong isang Dios Ama na makapangyarihan at mapagmahal. Hawak ng Dios ang buong sanlibutan at ang lahat ng mga tao sa Kanyang matibay at mapagpalang mga kamay.