Si Grace ay isang kahanga-hangang babae. Pumapasok sa isip ko ang salitang kapayapaan sa tuwing naaalala ko siya. Ang payapa at panatag na ekspresyon ng kanyang mukha ay hindi nagbago sa loob ng anim na buwan kahit na mayroong malubhang sakit ang kanyang asawa.
Tinanong ko si Grace kung ano ang sikreto ng kanyang kapayapaan. Sabi niya, “Hindi ito isang sikreto. Panatag ako dahil si Jesus ay nasa sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang kapayapaang nadarama ko sa kabila ng mga problema sa aking buhay.”
Ang sikreto ng kapayapaan ay ang pagkakaroon ng maayos na relasyon kay Jesu-Cristo. Siya ang ating kapayapaan. Kapag tinanggap natin si Jesus bilang ating Tagapagligtas at Panginoon, mas lalo tayong nagiging katulad Niya. Ang ating kapayapaan ay mas nagiging dalisay at totoo. Ang mga problema tulad ng malubhang sakit, kawalan ng pera, o kapahamakan ay palaging nariyan. Pero ang kapayapaan ng Dios ang nagbibigay sa atin ng kapanatagan. Hawak Niya ang ating buhay sa Kanyang mga kamay (DANIEL 5:23). Makakaasa tayo na magiging mabuti at maayos ang lahat.
Nakaranas na ba tayo ng ganitong uri ng kapayapaan na hindi natin maipaliwanag? Mayroon ba tayong kapanatagan dahil nalalaman ng Dios ang lahat ng bagay? Ang aking panalangin ay tulad ng kay Apostol Pablo, “Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang Siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon.” (2 TESALONICA 3:16). Nawa ay maranasan natin ang ganitong uri ng kapayapaan sa lahat ng panahon