“Hinihintay na makahuli ng isda, o hinihintay ang pagdating ng hangin para makapagpalipad ng saranggola. O hinihintay na dumating ang Biyernes ng gabi…Ang lahat ay naghihintay.” Iyan ang mga isinulat ni Dr. Seuss, isang kilalang manunulat ng mga aklat pambata.
Punong-puno ng paghihintay ang buhay natin. Pero hindi nagmamadali ang Dios. Ayon sa isang kasabihan, “Ang Dios ay may sariling panahon at oras.” Kaya nararapat sa atin ang maghintay.
Mahirap para sa atin ang maghintay. Maaari tayong makadama ng pagkainip, kabalisaan, at pagkabigo habang naghihintay. Bakit ba kailangan kong pakisamahan ang taong ito, magtiis sa mahirap na trabaho, tanggapin ang ugali ng iba, makaranas ng isang malubhang karamdaman? Bakit hindi ako tinutulungan ng Dios sa aking mga suliranin?
Ito ang sagot ng Dios: “Maghintay ka at magtiwala sa mga gagawin Ko sa buhay mo.”
Ang paghihintay sa kung ano ang plano ng Dios ay isang magandang leksyon sa ating buhay. Dahil dito, natututo tayong magtiwala na ang Dios ay kumikilos sa buhay natin. Sa paghihintay din ay nagiging matatag tayo at natututong magtiwala sa nais ng Dios para sa atin. Kahit pa taliwas ito sa mga balak natin sa ating buhay (SALMO 70:5).
Kahit pa mahirap para sa atin ang maghintay, makadadama tayo ng pagpupuri at kaligayahan sa prosesong ito (TAL . 4). Habang naghihintay tayo nang may pag-asa, makakaasa tayo na tutulungan tayo ng Dios. Ang Dios ay hindi nagmamadali. Palagi Siyang nasa tamang panahon.