Madilim pa kung simulan ni Ah-pi ang ginagawa niya. Maaga siyang gumigising kasama ang iba para magtungo sa plantasyon ng goma. Ang pag-aani ng goma ay isang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Hongzhuang Village, Tsina. Para maraming makuhang goma, maaga pa lamang ay nagtutungo na ang tao sa mga puno para tapikin ang mga ito. Kabilang si Ah-pi sa mga ito. Pero sinisimulan muna niya ang araw niya ng pananalangin sa Dios.
Pumanaw na ang asawa at nag-iisang anak ni Ah-pi. Siya at ang kanyang manugang ay nagtatrabaho para makatulong sa kanyang nanay at dalawang apo. Dahil sa buhay ni Ah-pi, naalala ko ang istorya ng isang balo sa Biblia na nagtiwala sa Dios.
Mababasa sa Biblia ang istorya ng isang babaeng balo na naiwanan ng malaking utang ng kanyang pumanaw na asawa (2 HARI 4:1). Sa kanyang pagkabalisa ay tumawag siya sa Dios sa pamamagitan ni Propeta Eliseo. Malaki ang tiwala ng balo na tutugon ang Dios sa kanyang problema. At totoo nga. Ang Dios ay nagkaloob ng pangangailangan ng balo (TAL . 5-6). Ang Dios ding ito ang tumutugon sa pangangailangan ni Ah-pi sa pamamagitan ng pagtulong sa kanyang hanapbuhay.
Marami man tayong nararanasang mga pagsubok pero makakaasa tayo sa ating Dios na pagkakalooban Niya tayo ng kalakasan. Ilagak natin ang ating mga problema sa Kanya, at gawin natin ang ating bahagi. Hayaan nating pahangain tayo ng Dios sa kung anong gagawin Niya sa ating mga suliranin.