Niyaya ako ng guro ng aking anak na sumama para magbantay sa klase nila para sa isang aktibidad. Pero hindi ako pumayag. Paano ako magiging huwaran at modelo sa mga batang ito gayong marami rin akong mga pagkakamali at patuloy na nakakagawa ng kasalanan sa aking buhay? Ang Dios ang gumabay sa akin para mapalaki nang maayos ang aking anak. Pero nakakadama ako ng pagdududa kung paano Niya kaya ako magagamit para maglingkod sa iba.
Minsan ay nakakalimutan ko na ang Dios ang nag-iisang perpektong Dios lamang ang makakapagpabago sa ating buhay. Pero pinaaalalahanan ako ng Banal na Espiritu kung paanong pinalakas ni Pablo ang loob ni Timoteo na tanggapin na siya ay nasa proseso pa ng pagsasanay at paglago sa pananampalataya at mga kaloob ng Dios para sa kanya (2 TIMOTEO 1:6). Tiyak na lumakas ang loob ni Timoteo dahil ang Dios ang nagkaloob sa kanya ng lakas habang siya ay naglilingkod sa Kanya (TAL . 7).
Iniligtas tayo ni Cristo at nilikha Niya tayo para bigyan Siya ng papuri. Ginawa Niya ito hindi dahil sa ating sariling kakayahan, kundi dahil tayo ay kabilang sa Kanyang pamilya (TAL . 9).
Magiging panatag tayo dahil nalalaman natin na ang ating dapat gawin ay ang mahalin ang Dios at ibang tao. Iniligtas tayo ni Cristo at nais Niya na mahalin din natin ang kapwa. Araw-araw tayong binabago ng Dios habang tayo ay nag-sasanay pa sa pagsunod at paglilingkod sa Kanya, at habang tayo ay nagpapakita rin ng pag-ibig sa iba.