Namangha kami nang makita namin ang Christ Church Cathedral sa Stone Town, Zanzibar. Ang kinatatayuan ng katedral na ito ay dating lugar kung saan nagaganap ang pinakamalaking bentahan ng mga alipin sa Silangang Aprika. Nais ng mga lumikha ng katedral na makita ng mga dadalaw dito kung paano pinalaya ng Salita ng Dios ang mga tao mula sa pagkaalipin. Hindi na ito muli magiging isang lugar ng kasamaan, kundi sinasalamin na ng lugar na ito ang biyaya at pag-ibig ng Dios.
Ang mga lumikha ng katedral ay nagnanais na ipahayag na ang kamatayan ni Jesus sa krus ang nagkaloob sa atin ng kalayaan sa ating mga kasalanan. Sa Biblia, sinabi naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso na “Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng Kanyang dugo” (EFESO 1:7). Ang salitang tinubos ay katulad ng salitang ginagamit sa Lumang Tipan na tumutukoy sa pagbili ng isang tao o bagay. Tinubos ni Jesus ang ating mga kasalanan at pinalaya Niya tayo mula sa pagkaalipin dito.
Nasasalamin sa pambungad na salita ni Pablo sa kanyang sulat (TAL . 3-14) ang kaligayahan sa pagpapalaya na kaloob ni Cristo. Nagbibigay siya ng mga papuri sa dakilang biyayang ito sa atin. Hindi na tayo maituturing na alipin ng kasalanan dahil tayo ay pinalaya na upang mamuhay para sa kaluwalhatian ng Dios.