Minsan, bumisita sa amin ang aking anak at ang isang taong gulang kong apo. Noong kinailangan kong umalis, ilang beses na umiyak ang aking apo. Dahil hindi ko naman siya matiis, pinupuntahan ko muna siya. Sinabi tuloy sa akin ng aking anak, “Isama n’yo na lang po siya.” Isinama ko siya dahil nananabik ako na makasama siya at dahil mahal ko siya.
Kagaya ng pananabik na ito, napakagandang malaman na ang pananabik ng ating mga puso sa Dios ay bunga ng pag-ibig Niya sa atin. Ayon sa aklat ng 1 Juan 4:16, “Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.”
Minamahal tayo ng Dios hindi dahil sa ating mga nagawa o hindi nagawa kundi dahil sa katapatan at kabutihan Niya sa atin. Kung ang mundo man ay nagiging malupit sa atin, makakaasa tayo na ang pag-ibig ng Dios ay hindi kailanman magbabago. Ito ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at ng pag-asa.
Ipinadama ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa atin nang ialay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Ang pag-ibig ng Dios ay pang walang hanggan.