Pagkatapos ng maraming taon, nakaranas muli ang aming bayan ng matinding taglamig. Napakakapal ng snow sa labas ng aming bahay. Dahil doon, sumakit ang mga kalamnan ng aking katawan matapos kong palahin ang mga ito. Nainis na ako at pumasok na sa aming bahay dahil sa palagay ko ay hindi naman nababawasan ang kapal ng snow. Pagpasok ko ng bahay, nakaramdam ng ginhawa ang aking katawan.
Mainit kasi ang loob ng bahay namin dahil may isang lugar sa aming bahay na maaari kaming magpaapoy. Nadatnan ko ring nakapalibot doon ang aking mga anak. Habang nadarama ko ang init, napatingin ako sa bintana at saka ko napansin ang kagandahan ng kapaligiran na binalot ng snow.
Ang pangyayaring iyon ay may kaugnayan sa karanasan ng sumulat ng Salmo 73 sa Biblia. Mababasa natin na nakakaranas ng kabiguan ang sumulat. Nalulungkot siya sa nangyayari. Gumagawa siya ng kabutihan sa iba pero kasamaan naman ang kanyang natatamo (TAL. 13). Ngunit nang pumasok siya sa templo ng Panginoon, nagbago ang kanyang pananaw (TAL. 16-17). Sa talatang 28 ay sinabi ng Salmista na “minabuti kong maging malapit sa Dios. Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan, upang maihayag ko ang lahat ng Inyong mga ginawa.”
Kung tayo man ay humaharap sa pagsubok, maaari tayong lumapit sa ating Panginoon sa pamamagitan ng panalangin at manatili sa piling Niya. Maaaring hindi agad magbago ang ating sitwasyon, ngunit maaaring magbago ang pananaw natin tungkol dito sa tulong Niya.