Noong ako’y pumapasok pa sa isang unibersidad, naisip ko na hindi muna ako makakauwi sa aming tahanan pagkatapos ng graduation. Noon ko naisip ang mga tanong na ganito: "Paano ko makakayanan na iwanan ang aking pamilya at aming simbahan nang matagal? Paano kung tawagin ako ng Dios at ipadala sa ibang lugar o sa ibang bansa?
Tulad ni Moises na natakot nang sinabi sa kanya ng Dios na ipapadala siya sa Faraon upang mapalaya ang mga Israelita, natakot din ako. Takot akong iwanan ang aking nakasanayang buhay. Si Moises naman ay nag-alinlangan noong una na sumunod sa Dios.
Maaari nating pagbatayan ang mga karanasan ni Moises bilang halimbawa na sa tuwing nakakaramdam tayo na may nais ipagawa sa atin ang Dios, nararapat na sumunod tayo. Ito ang ginawa ng mga alagad ni Jesus, iniwanan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. Sa paglalakbay sa buhay, hindi natin maiiwasan na makaramdam ng takot ngunit maaari nating pagtiwalaan ang mga plano ng Dios sa atin.
Hindi madali ang malayo sa pamilya. Pero sa patuloy kong pagtitiwala sa Dios, alam kong nasa tamang lugar ako kung saan Niya ako itinalaga.
Kapag kinailangan na tayong mamuhay na hindi na nakabatay sa nakasanayan, maaari tayong maging tulad ni Moises na nag-alinlangang sumunod sa Dios o maging katulad ng mga alagad na iniwan ang lahat upang sumunod sa Dios. Mayroong kaginhawaan na madarama kapag sumunod tayo sa Dios kahit na ito’y mahirap.