Sa kabila ng malubha kong sakit na nararamdaman, patuloy pa rin akong nagtitiwala sa Dios. Gayon pa man, patuloy rin ang pagdating ng mga problema na parang kaliwa’t kanang sumusuntok sa akin. Minsan, naiisip kong mas magandang tumakas at magtago na lamang. Pero dahil hindi ko naman matatakasan ang sakit na aking nararamdaman, sinikap kong isantabi na lang ito. Unti-unti akong natututong umasa sa Dios na siyang tutulong sa akin para mapagtagumpayan ang aking pinagdaraanan.
Kapag kailangan ko ng lakas ng loob at katatagan, binabasa ko ang Salmo sa Biblia na naglalahad ng mga hinaing ng tao sa Dios. Isa sa paborito ko ang awit ni Haring David. Tumakas noon si David mula kay Absalom na kanyang anak dahil nais siyang patayin at kunin ang kanyang kaharian. Kahit na matindi ang sakit na nararamdaman ni David dahil sa kanyang sitwasyon, nagtiwala pa rin siya sa Dios at umaasa na tutugunin ng Dios ang kanyang dalangin (SALMO 3:1-4). Payapang nakakatulog si David dahil hindi siya nag-aalala o natatakot na may masamang mangyayari sa kanya. Lubos kasi siyang nagtitiwala sa Dios na siyang tutulong at magliligtas sa kanya (TAL . 5-8).
Madalas ang pisikal at emosyonal na sakit ay nagiging matinding kalaban ng ating pagtitiwala sa Dios. Pero, gaya ni David, puwede tayong magtiwala na ipadadama sa atin ng Dios ang kanyang hindi nagmamaliw na pagmamahal at kikilos Siya para tulungan tayo.