Bagong lipat si Rima sa Amerika. Taga bansang Syria siya noon. Kaya naman, nahihirapan siyang ipaliwanag sa kanyang tagapagturo ng Ingles kung bakit siya malungkot. Habang lumuluha, inaayos ni Rima ang kanyang inihandang pagkain. Tapos, ikinuwento ni Rima na may mga taong pupunta sa kanila galing sa simbahang malapit sa bahay nila. Pero isang lalaki lamang ang dumating. May iniwan itong regalo at nagmamadaling umalis. Hindi alam ng lalaki na hindi mahalaga kina Rima ang regalo kundi ang magkaroon ng mga bagong kaibigan sa kanilang bagong komunidad. Nasasabik din siyang ibahagi ang pagkaing inihanda niya sa kanila.
Ang paglalaan naman ng panahon sa mga tao ang laging ginagawa ng Panginoong Jesus. Pumupunta Siya sa mga pagtitipon, nagtuturo sa maraming tao, at nakikihalubilo sa iba’t ibang tao. Inimbitahan din ni Jesus ang kan- yang sarili sa bahay ni Zaqueo.
Isang maniningil ng buwis si Zaqueo na umakyat sa puno para makita si Jesus. Nang makita siya ni Jesus sa puno, sinabi ni Jesus, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon” (LUCAS 19:1-9). At mula noon ay nabago na ang takbo ng buhay ni Zaqueo.
Dahil sa marami nating pinagkakaabalahan, nagiging mahirap para sa atin ang maglaan ng panahon sa iba. Pero kung maglalaan tayo ng panahon sa iba, makikita natin ang pagkilos ng Dios sa ating buhay habang kasama natin ang ibang tao.