Noong bata pa kami, gustong-gusto naming magkakapatid na umuupo sa ibabaw ng lumang baul ng aking ina. Nakatago sa baul ang mga damit na pangginaw na binurdahan ng aming lola. Pinapahalagahan ng aming ina ang kahong iyon at umaasa siyang dahil sa amoy ng kahoy na sedro, iiwas ang mga insektong maaaring sumira sa laman nito.
Halos lahat ng bagay sa mundong ito ay maaaring manakaw at masira ng mga insekto o ng kalawang. Hinihikayat naman tayo ng sinabi sa Mateo 6 na ituon ang ating sarili sa mga bagay na mahalaga at pang walang hanggan. Noong namatay ang aking ina sa edad na 57, wala siyang naipon na anumang kayamanan. Pero, sigurado akong marami siyang naipon na kayamanan sa langit (TAL .19-20).
Naaalala ko kung paano niya ipinakita ang kanyang pagmamahal sa Dios at kung paano siya naglingkod sa iba. Inalagaan niya ang kanyang pamilya, naging guro sa Sunday school at idinadalangin ang iba. Kahit sa panahon na nawalan na siya ng paningin at nakaupo na lang sa wheelchair, patuloy pa rin niyang ipinapadama ang kanyang pagmamahal at idinadalangin ang iba.
Hindi nasusukat ang ating kayamanan sa dami ng ating naipundar. Sa halip, nasusukat ito sa kung saan at kanino natin inilalaan ang ating panahon at paglilingkod. Anong uri ng kayamanan ang ating iniimpok sa langit sa pamamagitan ng paglilingkod at pagsunod kay Jesus?