Inakala ng asawa ko na mga unggoy ang gumagawa ng ingay sa aming bakuran. Nakapagtataka kung ganoon nga dahil 2,000 milya ang layo namin sa lugar ng mga ligaw na unggoy. Maya-maya pa, dumating ang aking biyenan at sinabing hindi naman nga unggoy iyon kundi malaking kuwago. Mali pala ang inakala ko.
Maling akala rin ang nangyari noon sa hukbo ni Haring Senakerib dahil inakala nila na nagtagumpay na sila dahil nabihag nila si Haring Hezekia. Sinabi pa nga ni Haring Senakerib na ang Dios ang nag-utos sa kanya na lusubin at lipulin ang bansang iyon (2 HARI 18:25). Binalaan pa niya ang mga tao na piliin ang mabuhay kaysa ang mamatay (TAL . 32).
Subalit ang totoong mensahe ng Dios ay inihayag ni Propeta Isaias sa hari ng Asiria. Sinabi ng Dios, “Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi makakapana kahit isang palaso rito” (19:32). Sinabi rin niya, “Ako, ang Panginoon...iingatan at ililigtas Ko ang lungsod na ito” (TAL . 33-34). Kaya nga noong gabing iyon, pinuksa ng anghel ng Panginoon ang mga kawal ng Asiria (TAL . 35).
Paminsan-minsan, may makakausap tayong mga tao na mahusay ngang magpayo pero binabalewala naman ang kapangyarihan ng Dios. Hindi iyon ang tinig ng Dios. Kinakausap Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ginagabayan tayo ng Kanyang Espiritu. Iniingatan ng Dios ang mga nagtitiwala sa Kanya at hinding-hindi Niya tayo iiwanan kailanman.