Ang anim na taong gulang na si Ruby Bridges ang kauna-unahang Aprikano na nakapasok sa paaralan na para lamang sa mga puti. Kaya naman, araw-araw siyang nakakatanggap ng mga mura at pang iinsulto mula sa mga galit na magulang. Pati ang mga anak ng mga ito ay pinaiiwas na rin sa kanya.
Habang ginagamot ni Dr. Robert Coles si Ruby mula sa takot at stress na dala ng sitwasyon, humanga siya sa panalangin nito araw-araw: “Panginoon, patawarin N’yo po sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”
Sinabi din ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito habang iniinsulto at pinapahiya Siya sa krus. Sa pinakamasakit na sandali ng buhay ni Jesus ay tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad. Sinabi ni Jesus, “ Ibigin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo...Maging maawain kayo gaya ng inyong Ama na maawain” (LUCAS 6:27-28, 36).
Ang ganitong pagtugon ay magagawa lamang natin sa pamamagitan ng pagmamahal ni Jesus na higit pa sa pinakamatinding galit.