Kapag nalulungkot ako noong bata pa ako, madalas akong kantahan ng ganito ng aking nanay: “Walang may gusto sa akin, galit sila sa akin. Kakain na lang ako ng uod.” Mapapangiti na lamang ako at iisaisahin na niya ang mga bagay na dapat kong ipagpasalamat.
Naalala ko ang kantang ito nang mabasa ko ang tungkol sa kalungkutan ni David. May karapatan siyang malungkot dahil hindi biro ang pinagdadaanan niyang paghihirap. Itinalaga siya bilang magiging hari ng Israel at naglingkod siya nang matagal kay Haring Saul pero ngayon ay nagtatago siya sa madilim na kweba dahil gusto siya nitong patayin. Pero para kay David, ang Dios ang kanyang “kanlungan” at “bahagi sa lupain ng mga buhay” (SALMO 142:5).
Maaari din nating sabihin sa Dios ang ating mga nararamdaman kapag tayo ay nag-iisa at nalulungkot katulad ng ginawa ni David. Hindi babalewalain ng Dios ang ating kalungkutan at gusto Niya tayong samahan kahit sa pinakamalungkot na bahagi ng ating buhay. Sa mga panahong pakiramdam natin ay wala nang nagmamahal sa atin, mahal tayo ng Dios.