Nahihilo na agad sa biyahe ang anak ko hindi pa man nakakalayo ang bangkang sinasakyan namin. Nang makaramdam narin ako ng hilo, pinipilit ko na lang ang sarili ko na tumingin sa pinagtatagpuan ng langit at dagat. Nakakatulong daw ito para mas maging maayos ang pakikiramdam sa paligid.
Alam ng Dios na gumawa ng hangganan ng langit at dagat na darating din ang pagkakataon na makakaramdam tayo ng pagkatakot. Pero puwede nating itama ang ating pakiramdam kung titingin lang tayo sa hindi nagbabagong pangako ng Dios sa atin.
Alam din ng sumulat ng Hebreo na nakakaramdam na ng panghihina at pagkatakot ang mga tagasunod ni Jesus sa Hebreo dahil sa mga pang-uusig sa kanila. Kaya naman, pinaalalahanan niya ang mga ito na maging ang ibang mananampalataya ay nakaranas din ng ganoong paghihirap pero nagtiis sila dahil mayroon silang mas mabuting inaasahan sa hinaharap.
Kahit na nasa pagkabihag sila, mayroon silang hinihintay na makalangit na lungsod na inihanda mismo ng Dios para sa kanila. Kaya naman, binigyang diin sa huling bahagi ng sulat ang mga hindi nagbabagong pangako ng Dios, “Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang” (HEBREO 13:14).
Mga dayuhan lamang tayo sa mundong ito kaya panandalian lang din ang mga paghihirap na ating nararanasan. Patuloy tayong tumingin sa mga pangako ng Dios.