Namatay ang tatay ko sa edad na 58 taong gulang. Mula noon ay inaalala ko ang araw ng kanyang kamatayan. Binabalikan ko ang mga bagay na itinuro niya sa akin. Napagtanto ko na mas marami pang panahon na hindi ko siya nakapiling kaysa sa panahong nagkasama kami. Naisip ko tuloy na napakaiksi lang ng buhay.
Sa tuwing binabalikan natin ang mga lumipas na panahon, marami tayong naaalalang mga pangyayari sa ating buhay. Bagama't oras at araw ang ginagamit nating panukat sa panahon, naaalala natin ang mga ito dahil sa mga karanasan natin at sa mga panahong ito, naranasan nating maging masaya, malungkot, masagana, maghirap, magtagumpay, at mabigo.
Gayon pa man, kahit dumaranas tayo ng kahirapan, pinalalakas ng Salita ng Dios ang ating loob. Sinabi sa Biblia, “Magtiwala kayo sa Kanya sa lahat ng panahon, O bayan; Ibuhos ninyo ang inyong puso sa Kanyang harapan; Para sa atin, ang Dios ay ating kanlungan” (AWIT 62:8). Kahit parang napakapanatag ng pagkakasabi sa awit, isinulat ito ni Haring David noong panahong pinaliligiran siya ng kanyang mga kaaway (TAL . 3-4). Patuloy na nagtiwala at naghintay si David sa tugon ng Dios (TAL . 1,5). Ipinapaalala nito sa atin na ang pagmamahal ng Dios ay higit pa sa mga nararanasan nating pagsubok (TAL . 12). Makakaasa tayo na lagi nating kasama ang Dios at tutulungan Niya tayo sa oras ng ating pangangailangan.