Minsan, pumunta ako nang mag-isa sa isang simbahan sa bansang Turkey. Nakita ko sa kisame ang magagandang larawan. Nakaguhit dito ang iba’t ibang larawan ng mga kuwento sa Biblia. Pero sa pangalawang pagkakataon na muli kong puntahan ang mga ito ay may kasama na akong dalubhasa na nagpaliwanag ng mga detalye na hindi ko napansin noon. Tila nagkaroon ng koneksyon ang bawat larawan dahil mas naunawaan ko ang mga ito.
Katulad naman sa pagbabasa ng Biblia, ang nauunawaan lamang natin ay ang ilang mga bahagi nito. Hindi natin nabibigyang-pansin ang mga detalye na nakapaloob dito para mas maunawaan ito. Mayroong mga aklat na makatutulong sa pag-aaral ng Salita ng Dios. Pero kailangan natin ng magbubukas ng ating mga isipan upang maunawaan ang itinuturo ng Dios sa Kanyang Salita. Ang Espiritu Santo ang ating Gabay na magtuturo sa atin ng lahat ng bagay (JUAN 14:26).
Ang Dios ang may-akda ng Biblia at nakasulat dito ang mga kamangha-mangha Niyang ginawa. Hindi Niya lamang ipinagkaloob sa atin ang Biblia, tinutulungan Niya rin tayo upang maunawaan at matuto mula rito. Hinihikayat naman tayo ng sumulat ng Awit na, “Buksan N'yo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng Inyong kautusan.” (SALMO119:18).