Noong bata pa ang apo kong si Sarah ay ipinaliwanag niya sa akin kung anong mangyayari sa isang tao kapag namatay na ito. Sabi niya, magkakaroon daw ang tao ng isang bagong katawan pero hindi magbabago ang itsura ng kanyang mukha.
Ang pananaw na iyon ng aking apo ay opinyon ng isang bata. Pero may katotohanang nakapaloob sa sinabi niya. Ang ating mga mukha ay isang malinaw na salamin ng ating kaluluwa.
May paalala rin sa akin ang nanay ko. Sinabi niya na ang galit na itsura ay maaaring hindi mabago o maalis sa aking mukha. Ang pagkunot ng noo, pagsigaw, at malamlam na tingin ay sumasalamin sa malungkot na kalooban ng isang tao. Nagpapakita naman ng bagong kalooban ang maamong mata, banayad na tingin, at masayang ngiti sa kabila ng mga kulubot at pekas sa mukha.
Hindi natin maaaring baguhin ang itsura ng ating mukha. Pero maaari nating baguhin ang ating pag-uugali. Maaari tayong manalangin sa Panginoon na pagkalooban tayo ng kababaang loob, katiyagaan, kabaitan, pagtitimpi, pagpapasalamat, pagpapatawad, kapayapaan, at pag-ibig (GAL . 5:22).
Sa biyaya ng Dios ay taglayin nawa natin ang mga katangian ng ating Panginoon. Sinabi nga ng manunulat na si John Donne (1572-1631) na mas gumaganda ang isang tao kapag tumatanda na siya.