“Sino ang yayakap sa kanila?"
Iyan ang sinabi ng kaibigan naming si Steve nang malaman niya na may malubha siyang sakit na kanser. Kailangan niyang lumiban muna sa pagsamba dahil sa kanyang sakit. May magandang nakasanayang gawin si Steve. Mahilig siyang bumati sa mga tao upang ipadama sa kanila na kabilang sila sa aming simbahan. Nagbibigay siya ng masaya at mainit na pagbati sa iba katulad ng binabanggit sa Biblia, "Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan” (ROMA 16:16 MBB).
Patuloy kaming nanalangin para sa mabilis na paggaling ni Steve. Nag-aalala siya na habang nagpapagaling siya at hindi makakadalo sa aming simbahan ay makakaligtaan ang pagbibigay ng mainit na pagbati at pagtanggap sa bawat isa.
Hindi lahat sa atin ay may kakayahang bumati na kasing sigla ng ginagawa ni Steve. Pero isang paalala para sa atin ang maganda niyang ugali. Sinabi ni apostol Pedro na "Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay" (1 PEDRO 4:9, TINGNAN DIN ANG FILIPOS 2:14). Nagpapakita ng pag-ibig sa ating kapwa ang katangiang ito.
Habang nakikisalamuha tayo sa ibang tao, maganda na ating ugaliin ang pagbibigay ng mainit na pagbati sa iba. Maaari nating gawin ito sa pamamagitan ng pagyakap at pagngiti sa kanila. Gawin natin ito "upang sa lahat ng bagay [ang Dios] ay papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo" (1 PEDRO 4:11 MBB).