Noong kabataan ni Benjamin Franklin, gumawa siya ng listahan ng labindalawang katangiang nais niyang matutunan. Ipinakita niya ito sa kanyang kaibigan. Sinabi ng kaibigan ni Franklin na kailangan niyang idagdag ang kababaang-loob sa listahan. Nagustuhan ni Franklin ang ideyang ito. Sinulat niya ang mga paraan kung paano niya magagawa ang bawat katangian. Para sa kababaang-loob, isinulat niya ang tungkol sa buhay ni Jesu-Cristo at iyon ang kanyang sinunod na halimbawa.
Si Jesus ang ating dapat tularan sa pagiging mapagpakumbaba. Sinabi ng Salita ng Dios, "Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. Kahit Siya'y likas at tunay na Dios, hindi Niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Dios. Sa halip, kusa Niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Dios, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak Siyang tulad ng mga karaniwang tao” (FILIPOS 2:5-7).
Ipinakita ni Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng kababaang-loob. Kahit nasa langit Siya kasama ng Dios Ama, pinili Niyang mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan. Ginawa Niya ito upang magkaroon ng buhay at kagalakan ang bawat tao na magtitiwala sa Kanya.
Maipapakita natin ang pagkakaroon ng kababaang-loob katulad ni Jesus sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Maipapadama rin natin ang kabutihan ni Jesus kung mas uunahin natin ang pangangailangan ng iba kaysa sa ating mga pangangailangan. Hindi madaling magpakita ng kababaang-loob pero tutulungan tayo ni Jesus upang magawa natin ito.