Kabilang ako sa isang grupo na naghahanda para sa taunang pagdiriwang sa aming lugar. Halos isang taon ang ginugol namin sa paghahanda para matiyak na magiging maayos ang lahat. Pinaghandaan naming mabuti ang lahat ng detalye tulad ng petsa, lugar na pagdaurasan, pagkain, atbp. Nang matapos na itong maganap, humingi kami ng mga opinyon mula sa mga dumalo. Nakakatuwang marinig ang mga magagandang komento ng mga tao. Nakakapanghina naman ng loob ang mga reklamo at hindi magagandang komentong natanggap namin sa kanila.
Nakatanggap din ang propetang si Nehemias ng hindi magagandang komento mula sa mga tao noong pinangungunahan niya ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem. May mga nanlilibak sa kanila na "Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!” (NEHEMIAS 4:3 MBB). Pinili ni Nehemias na lumapit sa Panginoon sa halip na sumagot sa mga komento ng mga tao. Nanalangin siya na tulungan at ipagtanggol nawa ng Dios ang Kanyang bayan na naghihirap (TAL . 4). Matapos manalangin, nagpatuloy si Nehemias at kanyang grupo na magtrabaho nang buong puso para matapos ang pader (TAL . 6).
Magandang halimbawa ang ginawa ni Nehemias. Hindi niya hinayaang mapanghinaan ng loob sa paninira ng ibang tao at hindi rin siya gumanti. Nawa’y tularan natin ang ginawa niya.
Sa halip na tumugon tayo ng hindi maganda, lumapit tayo sa Dios upang bigyan tayo ng lakas ng loob at magpatuloy sa kabila ng masasakit na salitang natatangggap natin.