Minsan, nagbakasyon kaming mag-asawa at sumama kami sa pamamangka sa isang ilog. Nagulat ako na may bahagi pala ng ilog na rumaragasa. Hindi namin ito inaasahan dahil hindi ito nakalagay sa binasa naming impormasyon tungkol doon. Mabuti na lang at may nakasama kaming mag-asawa na sanay na sa pamamangka sa rumaragasang ilog. Tinuruan nila ang asawa ko ng tamang paraan ng pagsagwan at nangako sila na sasamahan kami sa pamamangka. Masaya naman ang naging karanasan namin kahit hindi iyon mismo ang aming inaasahang mangyari.
Hindi kumpleto ang impormasyong nakalagay sa nabasa namin tungkol sa rumaragasang tubig. Pero iba naman ang ginawa ni Jesus dahil ipinaalam Niya sa Kanyang mga alagad ang lahat ng mga mararanasan nilang pagsubok na tulad ng rumaragasang tubig.
Sinabi ni Jesus sa kanila na uusigin sila at papatayin. Ipinaalam din ni Jesus na Siya’y mamamatay pero muling mabubuhay. Ipinangako ni Jesus na gagabayan Niya sila para magtagumpay at matutong umasa lamang sa Kanya (JUAN 16:16-33).
Malinaw na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na magkakaroon sila ng mga pagsubok sa kanilang buhay. Pero nangako si Jesus na sasamahan Niya tayo. Hindi hadlang ang mga pagsubok sa plano ng Dios para sa atin dahil ang pagkabuhay muli ni Jesus ang garantiya ng ating tagumpay sa mga pagsubok.