Nagtrabaho ako noon sa isang kainan. Ito ang pinakauna kong trabaho. Isang gabi, may lalaking naroon ang nagtanong sa akin kung anong oras ako matatapos sa aking trabaho. Hindi ako naging komportable dahil sa lalaking iyon. Matagal siyang nanatili at bumili pa ng mga pagkain para hindi siya paalisin ng aming manedyer. Natakot akong umuwi mag-isa kahit na malapit lang ang bahay namin doon. Kaya naman nang hatinggabi na ay nakigamit ako ng telepono para tumawag sa bahay namin. Ang tatay ko ang nakasagot. Dali-dali niya akong sinundo para samahang umuwi.
Sa pangyayaring iyon at sa katiyakang sasamahan ako ng aking tatay, naalala ko ang sinabi sa Awit 91. Sinabi roon na kasama natin palagi ang ating Amang nasa langit. Pinoprotektahan Niya tayo at tinutulungan kapag tayo ay naguguluhan, natatakot o nangangailangan. Sinabi pa ng Dios: “Kapag tumawag [kayo] sa Akin, sasagutin Ko [kayo]” (TAL . 15). Ang Dios ay hindi lamang tulad ng isang lugar na ating mapupuntahan. Sa halip, “Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain Niya. Masasabi niya sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol. Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan” (TAL . 1-2).
Sa mga panahon na natatakot tayo o nasa panganib, makakaasa tayo sa pangako ng Dios na kapag tumawag tayo sa Kanya, diringgin Niya tayo at sasamahan (TAL . 14-15). Siya ang ating kanlungan.